Patay ang isang lalaki matapos umanong masaksak ng kanyang kainuman sa Barangay Bungahan, Lian, Batangas kagabi, Oktubre 24, 2025.
Ayon sa imbestigasyon ng Lian Municipal Police Station, pasado alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Sitio Baldeo. Lumalabas sa imbestigasyon na nag-iinuman noon ang biktima na si Victor at ang suspek na si Eduardo sa bahay ng kapatid ng suspek.
Habang nasa gitna ng kanilang inuman, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa. Sa gitna ng alitan, biglang bunot ni Eduardo ng isang balisong mula sa kanyang baywang at inundayan ng saksak si Victor sa dibdib at tiyan.
Matapos ang pananaksak, agad na tumakas ang suspek sakay ng isang owner-type jeep patungong Barangay Bilaran, Nasugbu, Batangas.
Ang biktima naman ay isinugod ng kanyang mga kamag-anak, kasama ang mga tauhan ng Lian MDRRMO, sa Apacible Memorial District Hospital. Gayunman, idineklara itong dead on arrival ni Dr. Dalisay.
Patuloy ngayon ang isinasagawang manhunt operation ng Lian Police para sa ikadarakip ng suspek at para matukoy ang tunay na pinagmulan ng kanilang alitan. | BChannel news