Pormal na lumagda sa isang Memorandum of Agreement sina Governor Sol Aragones at San Miguel Corporation President Ramon Ang para sa malawakang flood control at dredging project sa buong probinsya ng Laguna.
Ayon kay Provincial Information Officer Danilo Lucas, libre ito—walang gastos ang pamahalaang panlalawigan. Target ng proyekto na tuluyang maibsan ang matinding pagbaha na matagal nang suliranin ng mga residente.
Ipinakita ng SMC ang detalyadong mapa ng mga ilog sa Laguna na kailangang linisin at i-dredge. Paliwanag ni Ramon Ang, layunin ng proyekto na alisin hindi lang ang burak at basura, kundi ibalik din ang natural na agos ng mga ilog na naapektuhan ng polusyon at pagtatambak ng lupa.
Giit ni Ang, sa loob lamang ng isang taon ay posibleng malinis na lahat, pero nanawagan siyang makipagtulungan ang publiko—huwag nang magtapon ng basura sa ilog.
Pinaalalahanan din niya ang mga lokal na pamahalaan na panatilihin ang kalinisan gamit ang kanilang mga kagamitan tulad ng barge at backhoe.
Pinuri naman ni Governor Aragones ang San Miguel Corporation sa kanilang suporta. Ayon sa kanya, malaking tulong ito para maibsan ang takot ng mga taga-Laguna tuwing umuulan at bumabaha.