Isang walong talampakang saltwater crocodile ang nahuli ng mga residente sa daungan ng Sitio Marabahay, Barangay Rio Tuba sa Bataraza, Palawan kagabi, December 3.
Bandang alas-otso nang mahuli ito ng forest protection officer na si Raul Molejon.
Matagal nang inirereklamo ng residente ang presensya ng buwaya sa lugar, lalo na matapos masawi ang isang mangingisda kamakailan dahil sa pag-atake.
Ayon sa mga residente, madalas umanong lumalabas ang buwaya tuwing high tide at lumalapit sa mga kabahayan sa ilalim ng tulay.
Ikinekwento ng mangingisdang si Alfonso Roxas na napilitan silang kumilos dahil umano sa paglamon ng buwaya sa mahigit 15 aso sa kanilang lugar.
Iniulat na rin ito sa Palawan Council for Sustainable Development Staff para sa agarang aksyon at posibleng rescue operation. | BChannel news