Umakyat na sa dalawampu’t dalawang katao ang nasawi habang mahigit limampu naman ang sugatan sa malagim na aksidente ng tren kaninang umaga, Enero 14, sa Nakhon Ratchasima o Korat sa Thailand, ayon sa mga local rescue team.
Naganap ang insidente bandang alas-nuwebe ng umaga sa riles ng tren sa Baan Thanon Kot, Sikhiu district, kung saan bumagsak ang isang crane mula sa ginagawang elevated railway project para sa Bangkok–Nong Khai high-speed train.
Sa pagbagsak ng crane, direktang bumangga rito ang paparating na tren na bumiyahe mula Bangkok patungong Ubon Ratchathani.
Dahil sa lakas ng banggaan, nagkaroon ng sunog at na-trap ang mga pasahero sa tatlong bagon. Tinatayang may halos 190 pasahero ang tren, karamihan ay mga estudyante at manggagawa.
Patuloy pa ang retrieval operation habang ginagamit ng mga rescuer ang heavy equipment para maabot ang iba pang biktima.
Isinugod sa mga kalapit na ospital ang mga sugatan habang iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbagsak ng crane. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag kung sino ang may pananagutan sa insidente. | BChannel news