Patay ang padre de pamilya at ang anak nito na 6 taong gulang habang sugatan ang 17-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek ang kanilang sinasakyang tricycle sa Sitio Buhay, Barangay Butucan, Nasugbu, Batangas pasado alas-6:30 kagabi, December 7, 2025.

Ayon sa Nasugbu Municipal Police Station, bandang 8:15 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang kanilang duty TOC mula sa MDRRMO na may biktima ng pamamaril sa lugar.
Rumesponde ang mga imbestigador at dito natukoy na pauwi na sina Tomas, isang vendor at residente ng Butucan, kasama ang tatlong menor de edad na sina Jhon, 17; Ellaine, 6; at Lester, 7, sakay ng tricycle.
Bigla umanong sumulpot ang suspek at nagpaputok gamit ang caliber .45 at M16 rifle. Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Tomas, Jhon, at Ellaine. Dead on the spot si Tomas, habang isinugod sa ospital sina Jhon na nagpapagaling sa ospital at si Ellaine, ngunit sa kasamaang palad binawian na rin ito ng buhay. Nakaligtas namang walang sugat si Lester.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek dala ang baril at naglakad patungo sa hindi matukoy na direksyon. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng bumaril.
Sa ngayon, nanawagan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima sa karumal-dumal na krimen. | BChannel news