Isang 89-anyos na lalaki ang natagpuang patay bandang alas-7:30 ng gabi nitong Enero 8 sa loob ng comfort room ng isang bakanteng bahay sa Barangay San Salvador, Baras, Rizal.
Ayon sa Baras Municipal Police Station, isang concerned citizen ang tumawag upang i-report ang bangkay ng isang lalaki na nakahandusay sa nasabing lugar. Agad rumesponde ang mga pulis at imbestigador at doon nila natagpuan ang walang buhay na katawan ng biktimang si Dionisio, na may mga bakas ng dugo sa paligid ng pinangyarihan.
Sa salaysay ng anak ng biktima, umalis umano ang kanyang ama noong umaga ng parehong araw at hindi na umuwi, dahilan upang maghain siya ng missing person report sa barangay. Nang maghanap siya sa mga kalapit na bakanteng bahay, doon niya nadiskubre ang katawan ng kanyang ama.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng backtracking at pagsusuri ng mga CCTV footage ang pulisya at humingi na rin ng tulong teknikal mula sa Rizal Police Forensic Unit upang matukoy ang posibleng responsable sa insidente at motibo. | BChannel news