Isang insidente ng pamamaril ang naganap bandang alas-11:30 ng umaga noong ika-27 ng Enero 2026 sa Purok 6, Barangay Pangao, Lipa City, Batangas.
Ayon sa Police Regional Office 4A, sakay ng isang Toyota Fortuner ang mga biktima at binabagtas ang national road patungong Lipa City proper nang bumagal ang kanilang sasakyan dahil sa sirang bahagi ng kalsada.
Dito biglang sumulpot ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo at huminto sa tabi ng sasakyan.
Hinampas ng isa sa mga suspek ang bintana ng sasakyan at nagpaputok ng baril na tumama sa kaliwang bahagi nito.
Agad na pinabilis ng driver ang takbo ng sasakyan subalit hinabol pa sila ng mga suspek at muling pinaputukan, na tumama naman sa likurang bahagi ng sasakyan. Sa kabila nito, walang nasugatan sa mga sakay.
Napansin din ng mga biktima ang isang sedan o kotse na umano’y kasabwat ng mga suspek.
Nakaiwas ang mga biktima sa posibleng karagdagang pag-atake at agad na nagtungo sa STL Office sa Lipa na siyang nag-ulat ng insidente sa pulisya. Tumakas naman ang mga suspek patungo sa direksyon ng bayan ng San Jose dala pa rin ang ginamit na baril. Isang basyo ng bala ng kalibre .45 ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy ang isinasagawang dragnet operation, Oplan Sita, pagkuha ng mga CCTV footage, at paghahanap ng mga posibleng testigo upang matukoy at maaresto ang mga suspek.
Kinilala ang mga suspek na sina Mike, 33 years old; Eric, 44 years old, at May, 42-year-old, na pawang residente ng San Juan Batangas.
Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin natatagpuan ang mga suspek at patuloy na tinutugis ng mga kapulisan. | BChannel news