Isang lalaki ang nasawi matapos saksakin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Lubana, Barangay Muntingdilaw, Antipolo City bandang alas-11 ng gabi noong Enero 30.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Antipolo City Police, dumating ang biktima sakay ng motorsiklo at huminto sa tapat ng isang basketball court.
Pagkababa, naglakad ito ng humigit-kumulang 50 metro at nilapitan ang suspek. Sa hindi pa matukoy na dahilan, bigla na lamang sinaksak ng suspek ang biktima nang ilang beses sa dibdib na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang ginamit na patalim.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at suspek gayundin ang motibo nito, habang humingi na rin ng tulong ang pulisya sa SOCO para sa masusing pagproseso ng crime scene. | BChannel news