Isang dental mission ang nag-iwan ng ngiti at ginhawa sa libo-libong residente ng Lipa City, Batangas matapos isagawa ang tatlong araw na libreng dental services mula ika-26 hanggang ika-28 ng Enero, 2026 sa Lipa Academy of Sports Culture and Arts.
Pinangunahan ang dental mission ng Rotary Club of Lipa katuwang ang Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI–Lipa, kasama ang Caring Hearts Dentistry Society, Rotary Club of Richmond Sunrise, Rotary World Help at Lipa Dental Chapter, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Pamahalaang Panlungsod ng Lipa.
Sa opisyal na tala, umabot sa kabuuang 1,608 pasyente ang natulungan sa loob lamang ng tatlong araw.
Gayunman, dahil maraming pasyente ang nakatanggap ng higit sa isang serbisyo gaya ng bunot, pasta at linis, umakyat sa 2,211 ang kabuuang dental services na naibigay. Tinatayang katumbas ito ng mahigit tatlong milyong piso halaga ng libreng serbisyong dental.
Ayon sa datos, 571 pasyente ang natulungan sa unang araw, 745 naman sa ikalawang araw, at 598 sa huling araw ng aktibidad. Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga magulang, matatanda, kabataan, at mahigit 200 elementary students mula sa Barangay Dagatan na agarang nabigyan ng dental care.
Higit pa sa mga numero, ayon sa mga organizer, ang dental mission ay naging simbolo ng malasakit at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor. Marami sa mga pasyente ang dumating na may matinding sakit sa ngipin at umuwi na may ginhawa, kumpiyansa at bagong ngiti.
Para sa PCCI Lipa at mga katuwang nitong organisasyon, ang dental mission ay patunay na sa loob ng tatlong araw, maaaring makalikha ng pangmatagalang epekto sa kalusugan at kalidad ng buhay ng mga Batangueno.