Isang lalaki ang nasawi matapos ang banggaan ng isang motorsiklo at isang utility vehicle sa Paligawan Road, Barangay Maguyam, Silang, Cavite madaling-araw ng Enero 31, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Silang Municipal Police Station at kuha ng CCTV ng Barangay Maguyam, bandang alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa may Y-junction ng nasabing kalsada.
Ayon sa ulat, magkasalubong ang motorsiklo at ang SUV nang subukan umanong umiwas ng SUV sa isang paparating na sasakyan. Sa pag-iwas nito, napasok ang linya ng motorsiklo na naging dahilan ng banggaan.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon sa kalsada ang rider ng motorsiklo at nagtamo ng malubhang pinsala. Rumesponde ang Silang MDRRMO at isinugod ang biktima sa Silang Specialist Medical Center, subalit idineklara itong dead on arrival bandang ala-1:12 ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na isang 41-anyos na lalaking engineer at residente ng General Trias City na siyang nagmamaneho ng motorsiklo.
Samantala, arestado naman ang 46-anyos na driver ng SUV na sangkot sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang naturang aksidente. | BChannel news