Isang 24-anyos na construction worker na si “Dudan” ang inaresto ng pulisya matapos umanong manaksak at malubhang makasugat ng kaniyang kainuman sa Barangay Subukin, San Juan, Batangas noong gabi ng Pebrero a-uno, 2026.
Ayon sa ulat ng San Juan Municipal Police Station, bandang alas-10:20 ng gabi nang makatanggap sila ng tawag mula sa opisyal ng barangay hinggil sa isang insidente ng pananaksak sa loob ng barracks.
Rumesponde ang mga pulis at nadiskubreng nauwi sa mainitang pagtatalo at suntukan ang inuman ng suspek at ng 27-anyos na biktima, kapwa construction worker at mga taga-Eastern Samar.
Sa kasagsagan ng gulo, umano’y kumuha ang suspek ng matulis na bagay at ilang ulit na sinaksak ang biktima, na tinamaan sa kanang braso at dibdib. Isinugod agad ang biktima sa San Juan District Hospital para sa agarang gamutan.
Sa report ng Batangas Police Provincial Office, naaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya. Inihahanda na ang kasong frustrated homicide na ihahain sa tanggapan ng provincial prosecutor. | BChannel news