Nanguna ang Sto. Tomas City sa mga lugar sa Pilipinas na may pinakamababang porsyento ng struggling readers, ayon sa Comprehensive Rapid Literacy Assessment o CRLA para sa simula ng School Year 2025–2026.
Batay sa datos ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2, nasa 23.42 percent lamang ng mga estudyante sa Sto. Tomas City ang nahihirapang magbasa. Kasunod sa listahan ang Batanes na may 24.38 percent at Bohol na may 25.46 percent. Pasok din ang iba pang lugar sa Calabarzon gaya ng Cavite City na may 29.58 percent habang nasa top 10 ang Carmona City na may 31.19 percent na struggling readers.

Sa kabilang banda, ilang lugar sa Mindanao ang may pinakamataas na bilang ng mga batang hirap sa pagbasa. Nanguna ang Tawi-Tawi kung saan 75.6 percent ng mga mag-aaral ang hindi pa mahusay magbasa. Sinundan ito ng Maguindanao del Norte na may 65.38 percent at ng Special Geographic Area sa North Cotabato na may 64.49 percent.
Ayon sa mga eksperto sa edukasyon, posibleng may kaugnayan ang problemang ito sa malnutrition at stunting, na maaaring makaapekto sa cognitive development at reading ability ng mga bata.
Ipinakita rin ng datos ng EDCOM 2 na halos kalahati ng top 50 areas sa bansa na may pinakamataas na struggling readers ay mula sa Mindanao, dahilan para igiit ng mga opisyal ang agarang intervention sa edukasyon at nutrisyon sa mga apektadong lugar. | BChannel News