Nasawi ang isang Philippine Army junior officer habang isang miyembro ng NPA ang naaresto matapos ang engkwentro sa San Jose, Occidental Mindoro nitong Linggo.
Ayon sa militar, nagsasagawa ng pursuit operations ang 203rd Infantry Battalion sa Sitio Salafay, Barangay Monteclaro nang makasagupa ang mahigit 15 rebelde.
Tumagal ng halos 20 minuto ang bakbakan na kasabay pa ng ika-57 anibersaryo ng NPA.
Kinilala ng Philippine Army ang kabayanihan ni Captain Dean Buen Oyando, isang sundalong nag-alay ng buhay sa pagtupad ng tungkulin para sa kapayapaan at seguridad sa Occidental Mindoro.
Narekober sa lugar ang M16 rifle, granada at mga bahagi ng improvised explosive device.
Samantala, dalawa namang sundalo ang sugatan at agad na ginagamot.
Giit ng Army, patuloy na humihina ang puwersa ng NPA sa sunod-sunod na operasyon, habang nagpapatuloy ang pagtugis sa mga tumakas na rebelde at seguridad sa komunidad.