Isinampa sa Office of the Ombudsman ang reklamo laban kay DOH Secretary Ted Herbosa at 16 pang opisyal kaugnay ng umano’y P1.4 bilyong halaga ng expired na gamot at bakuna.
Ayon sa reklamo ng ilang concerned DOH personnel, nagkaroon umano ng gross negligence at posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, partikular ang Section 3(e), dahil sa pinsalang dulot nito sa gobyerno at sa publiko.
Sa dokumento, lumalabas na may mga essential medicines at life-saving vaccines na hindi naipamahagi sa oras at nanatiling naka-stock sa warehouses hanggang mag-expire. Kabilang dito ang mga gamot para sa family planning at mental health programs, pati na rin psychiatric injectables na umabot sa milyon-milyong piso ang halaga.
Nasa ulat din na mahigit P1.3 billion na halaga ng bakuna ang hindi na-deliver, habang may mga ulat ng sabay-sabay na expiration ng BCG at MMR vaccines sa iba’t ibang rehiyon.
Bukod dito, sinasabing may overstocking at poor distribution system, kung saan milyon-milyong HIV medicines ang nanganganib ding mag-expire dahil hindi agad naipadala sa mga health facilities.
Sa kabila umano ng mga babala at inventory reports, sinasabing naantala ang paggalaw ng supply dahil sa pending approvals at administrative processes. May mga alegasyon din na mas pinrioritize ang disposal ng expired items kaysa agarang distribution para maiwasan ang isyu sa media.
Binanggit din sa reklamo na may mga opisyal na umano’y may alam sa problema ngunit hindi agad kumilos, na posibleng magpahiwatig ng bad faith at serious misconduct sa pamamahala ng health resources.
Dahil dito, humihiling ang mga complainant ng agarang imbestigasyon at preventive suspension laban sa mga sangkot habang dinidinig ang kaso.
Isinumite ang reklamo nang anonymous dahil sa takot ng mga whistleblowers sa posibleng retaliation mula sa matataas na opisyal ng ahensya.
Sa ngayon, wala pang nilalabas na pahayag si Herbosa at ang iba pang opisyal na sangkot sa naturang reklamo. | BChannel News