Isang 38-anyos na lalaki ang natagpuang wala nang buhay matapos umanong mawala habang naliligo sa dagat sa Barangay Sambal Ibaba, Lemery, Batangas.
Ayon sa Lemery Municipal Police Station, bandang 12:35 ng tanghali nang i-report ng barangay captain ang insidente matapos makita ang lalaki na palutang-lutang at walang malay sa baybayin. Agad rumesponde ang pulisya at kinumpirma na wala nang buhay ang biktima.
Sa paunang imbestigasyon, natuklasan na ang biktima, na kinilalang si “Gilbert,” ay huling nakitang nakikipag-inuman sa kanyang mga kamag-anak gabi ng April 4. Matapos nito, nagpasya umano itong maligo sa dagat ngunit hindi na nakabalik.
Kinabukasan, bandang 11:45 ng umaga, natagpuan ang kanyang katawan na nakadapa at palutang-lutang sa tabi ng isang bangkang pangisda ng isang residente.
Dinala na ang labi ng biktima sa isang punerarya para sa kaukulang proseso habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay. | BChannel News