Arestado ang isang 36-anyos na lalaki matapos maaktuhan ng mga awtoridad sa isinagawang joint police operation kaugnay ng umano’y ilegal na pagbebenta at distribusyon ng petroleum products o mas kilala bilang “paihi” sa Lemery, Batangas Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group Batangas, nangyari ang operasyon pasado 9:45 ng gabi sa Purok 3, Mataas na Bayan, katuwang ang Batangas Police Provincial Office at Lemery Municipal Police Station.
Nahuli ang suspek na driver ng tanker truck, habang nasamsam ang mga produktong petrolyo, tanker truck, at iba pang kaugnay na kagamitan na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P11 milyon.
Batay sa imbestigasyon, patungo umano sa Bacoor, Cavite ang tanker matapos ang hinihinalang pilferage o ilegal na pagkuha ng petrolyo.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan at lawak ng operasyon.
Ayon sa Philippine National Police, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa mga iligal na aktibidad na maaaring makaapekto sa publiko at ekonomiya, lalo na sa gitna ng national energy emergency.