Arestado ang isang 38-anyos na lalaki sa Sto. Tomas City, Batangas matapos iturong suspek sa pagnanakaw sa isang bahay habang natutulog ang biktima.
Ayon sa imbestigasyon ng Sto. Tomas Component City Police Station, madaling araw ng May 13 nang magising ang biktima at madiskubreng pilit na binuksan ang kanilang bintana.
Nang suriin niya ang kanyang mga gamit, nawawala na ang ilang cellphone, tablet, bag na may mahahalagang ID, at walong libong pisong cash.
Tinatayang nasa halos apatnapung libong piso ang kabuuang halaga ng mga nawalang gamit.
Sa tulong ng CCTV sa barangay, nakita ang isang lalaki na pumasok sa compound at kalauna’y umalis dala ang isang eco bag na hinihinalang pag-aari ng biktima.
Dahil sa backtracking at follow-up investigation, natunton ng mga pulis ang kilos ng suspek hanggang Maharlika Highway at kalaunan ay nakilala ito sa mas malinaw na kuha ng camera.
Lumalabas din sa imbestigasyon na sumakay umano ang suspek ng traysikel papuntang Barangay San Pablo Nayon, kung saan siya kalauna’y naaresto sa isang massage parlor na pansamantala niyang tinutuluyan.
Inamin din umano ng suspek na naibenta na ang mga ninakaw na gadget sa isang cellphone repair shop sa Calamba, Laguna, kaya nagpapatuloy pa ang operasyon para mabawi ang mga ito.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Sto. Tomas police ang suspek, habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.