Kung dati ay simpleng pampagising lang ang kape, ngayon ay isa na itong bahagi ng araw ng maraming Batangueño. Para sa ilan, ito ang unang iniinom bago pumasok sa trabaho o klase. Para naman sa iba, dahilan ito para magkita-kita ang magkakaibigan, magkaroon ng maikling break, o makapag-relax pagkatapos ng mahabang araw.
Sa pagbisita ng Balisong Channel sa Coffee Festival ng SM Center Lemery, isang bagay agad ang napansin na halos hindi nawawala ang pila at mga customer sa bawat coffee shop. Marami sa mga bumibili ay mga estudyante, habang mayroon ding mga empleyado, pamilya, at magkasintahan na naghahanap ng lugar para magpahinga at magkuwentuhan.
Hindi lahat ng coffee drinkers ay pare-pareho ng panlasa. May naghahanap ng matapang na espresso, may gusto ng creamy at sweet drinks, at mayroon ding mas gusto ang mabilisang grab-and-go coffee. Dahil dito, sinubukan ng Balisong Channel ang limang coffee brands na kalahok sa Coffee Festival upang alamin kung ano ang kani-kanilang inaalok.


Unang stop ang Cotti Coffee, isang multinational coffee chain na mabilis na nakilala dahil sa abot-kayang presyo at modernong coffee selection. Isa sa kanilang pinakasikat na inumin ang Coffee Coconut o Pampas Blue Coco Latte, na pinagsasama ang espresso at creamy coconut milk para sa kakaibang tropical flavor. Bukod dito, mayroon din silang Coco Cotti at Pandan Coconut Latte, na nagbibigay ng ibang twist sa karaniwang coffee experience. Dahil sa kanilang low-price strategy, naging paborito rin sila ng maraming estudyante at young professionals.

Sunod na pinuntahan ang Famous Belgian Waffle. Kilala man ito sa kanilang waffles, marami ring customers ang nagpapares ng kanilang paboritong waffle sa isang tasa ng Famous Blends Coffee. Dahil nasa gitna ng mall ang kanilang pwesto, madalas itong tambayan ng mga magkaibigan, pamilya, magkasintahan, at maging ng mga magulang na nagpapahinga habang namimili. Kapansin-pansin din ang aroma ng bagong lutong waffle na agad nakakaagaw ng pansin sa mga dumaraan.

Isa rin sa pinakabinabalikan ng mga customer ang Pickup Coffee. Kung may mga gustong umupo at magtagal sa café, mayroon ding mas gusto ang mabilis na serbisyo. Dito pumapasok ang Pickup Coffee. Marami ang umo-order ng kanilang inumin bago magpatuloy sa pag-ikot sa mall. Kilala rin sila sa paggamit ng freshly ground Arabica beans habang nananatiling budget-friendly ang presyo. Isa sa kanilang pinakasikat na inumin ang Spanish Latte, na may kombinasyon ng espresso, gatas, at tamang tamis ng condensed milk.

Pagdating naman sa Momoyo, ibang klase ang atmosphere. Mas maluwag ang kanilang dining area kaya madalas itong piliin ng mga estudyante at barkadahan bilang lugar para magkuwentuhan, o magpalipas ng oras. Bukod sa kanilang Coffee Series, tampok din dito ang soft-serve ice cream, fruit tea, at iba pang refreshing drinks. Isa sa kanilang kilalang produkto ang Snow Top Coffee, kung saan nilalagyan ng creamy vanilla soft-serve ice cream ang iced coffee para sa mas kakaibang timpla.

Iba naman ang dating ng But First, Coffee. Pagpasok pa lang ay mapapansin ang mas tahimik at café-style na ambiance na bagay para sa meetings, work sessions, o simpleng catch-up kasama ang kaibigan. Bukod sa kanilang House Blend at Premium Blend coffee, nag-aalok din sila ng iba’t ibang pastries tulad ng brownies, cakes, muffins, at cookies. Kabilang sa mga madalas orderin ng kanilang customers ang Spanish Latte, Vietnamese Coffee, Salted Caramel Latte, at Matcha Espresso. Nagsisimula rin ang presyo ng kanilang mga inumin sa humigit-kumulang ₱55 hanggang ₱120, dahilan kung bakit marami ring bumabalik na customers.
Sa Coffee Festival ng naturang mall, makikita na magkakaiba man ang konsepto ng bawat coffee shop, pare-pareho silang nagbibigay ng iba’t ibang coffee experience. May café na bagay sa mabilisang coffee break, may swak para sa mahahabang kuwentuhan, at mayroon ding mas komportable para sa trabaho o pag-aaral.
Patunay nga sa Festival na patuloy na lumalawak ang coffee culture sa Batangas. Hindi na lamang ito tungkol sa pag-inom ng kape para mawala ang antok. Isa na rin itong paraan ng pagre-relax, pakikipagkita sa mga kaibigan, pag-aaral, pagtatrabaho, o simpleng paglalaan ng oras para sa sarili.
Sa huli, hindi man pare-pareho ang panlasa ng bawat coffee lover, iisa ang mensahe ng Coffee Festival sa SM Center Lemery dahil sa loob ng iisang mall, may coffee experience na maaaring bumagay sa bawat personalidad, mood, at budget.