Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Malacañang, nakiramay sa mga pamilya ng nasawing air force pilots sa Lipa City, Batangas

Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa mga pamilyang naulila ng apat na piloto ng Philippine Air Force, kasabay ng pangakong suporta ng pamahalaan sa kanilang panahon ng pagdadalamhati.

Noong Lunes, October 26, personal na dumalaw si Executive Secretary Ralph G. Recto sa burol nina Major David Joshua Rojo, Captain Ma. Melvin Acebuque, at First Lieutenant Angel eo Adrian Penaflor sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas. Ipinahayag niya ang pakikiramay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nagbigay-galang sa mga nasawing piloto.

Nang araw ding iyon, dumalaw naman ang Pangulo sa burol ni Captain Raymart Cabangcala sa Villamor Air Base sa Pasay City upang makiramay sa pamilya nito.

Ayon kay Recto, hindi kayang alisin ng anumang parangal o salita ang sakit ng pagkawala ng isang mahal sa buhay. Binigyang-diin din niya na hindi lamang mga piloto ang nawala, kundi mga anak, asawa, kapatid, at miyembro ng kanilang mga pamilya.

Tiniyak ng Executive Secretary na hindi nag-iisa ang mga naulila dahil kasama nila ang Pangulo at ang buong pamahalaan sa kanilang pagdadalamhati.

Dagdag pa niya, mananatiling bahagi ng alaala ng sambayanang Pilipino ang katapangan, dedikasyon, at sakripisyo ng mga piloto sa paglilingkod sa bansa.