Apat na tauhan ng Philippine Air Force o PAF ang nasawi matapos magbanggaan sa himpapawid ang dalawang SF-260 trainer aircraft at bumagsak sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas, nitong Biyernes, October 23.
Naganap ang insidente bandang alas-3:51 ng hapon habang nagsasagawa ng training flight ang mga eroplano na may tail numbers na 032 at 037.
Kabilang sa apat na sakay ang dalawang first lieutenant, isang captain at isang major.
Samantala, ligtas namang nakalapag ang lima pang aircraft na kasama sa formation flight.
Ayon kay PAF spokesperson Colonel Alvin Jay Capinguian, agad na nag-deploy ng response teams upang i-secure ang lugar at magsagawa ng initial assessment matapos ang insidente.
Tiniyak din ng Air Force na prayoridad nito ang kaligtasan ng mga tauhang sangkot at ng mga taong nasa paligid ng crash site.
Patuloy pang iniimbestigahan ang eksaktong dahilan ng pagbanggaan at pagbagsak ng dalawang eroplano. Sinabi rin ng PAF na magbibigay ito ng karagdagang impormasyon kapag may mga bagong detalye nang nakumpirma. | BChannel News