Opens in a new tab
Skip to content
National

ASEAN Summit at holiday rush, paghahandaan ng MMDA; libu-libong personnel, ikakalat sa Metro Manila

Traffic at seguridad ang tututukan ng MMDA sa Metro Manila ngayong Nobyembre, kasabay ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summit at paghahanda sa holiday season.

Kabuuang 2,637 MMDA personnel ang ipakakalat mula November 13 hanggang 19, habang maglalaan naman ang Philippine National Police-Highway Patrol Group ng 716 tauhan para sa seguridad at pag-escort sa mga foreign leaders at delegates.

Nilinaw ni MMDA Traffic Discipline Office Director Victor Nuñez na walang malawakang pagsasara ng kalsada. Gayunman, lilimitahan ang pagpasok sa apat na kalsada malapit sa Philippine International Convention Center o PICC mula November 9 hanggang 18. Tanging authorized vehicles na may ASEAN stickers ang papayagan sa loob ng complex.

Sa halip na full road closures, stop-and-go traffic scheme lamang ang ipatutupad tuwing may daraang convoy ng mga lider ng ASEAN.

May nakahanda ring alternate routes para sa northbound at southbound motorists. Samantala, rerouted ang mga truck mula November 15 hanggang 18 at kailangang magpakita ng destination sign sa kanilang windshield ang mga papunta sa pantalan.

Ayon naman sa Department of Transportation, makikibahagi ang ASEAN delegates sa paggamit ng EDSA bus lanes, kaya posibleng magkaroon ng paghinto at pag-usad ng trapiko mula Ayala Tunnel hanggang Magallanes Flyover.

Suspendido rin ang expanded number coding sa November 16 hanggang 18, kasabay ng special non-working days sa Metro Manila.

Bukod sa summit, may bagong traffic measures din para sa Christmas season. Mula November 16 hanggang December 25, magiging alas-onse ng umaga hanggang alas-onse ng gabi ang mall hours, maliban sa weekends at holidays. Ang mall deliveries naman ay lilimitahan sa 11 p.m. hanggang 5 a.m., maliban sa perishable goods.

Hindi rin papayagan ang mall-wide sales tuwing weekdays, habang kailangang magsumite ng traffic management plan sa MMDA dalawang linggo bago ang individual store sales.

Inaasahan namang pinakamabigat ang daloy ng trapiko sa December 12 hanggang 14 dahil sa mga uuwi sa kanilang probinsya para sa holidays.