Trabaho at dagdag na oportunidad para sa mga lokal na negosyo at manggagawa ang ilan sa mga benepisyong inaasahang maidudulot ng pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit mula November 16 hanggang 18 sa Maynila.
Kaya naman hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na suportahan ang pagtitipon ng mga lider ng Southeast Asian countries.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga nakikinabang ang local weavers, garment makers, designers, artists, performers, production crews, food manufacturers, hotel workers, transport providers at souvenir makers.
Ibinahagi rin niyang ngayong 2026, dumami ang trabaho para sa local industries at micro, small, and medium enterprises o MSMEs dahil sa mga ASEAN summit at related meetings na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bukod dito, sinabi ni Marcos na pagkakataon din ang summit para maipakita sa foreign delegates ang galing ng mga Pilipino at mahikayat silang muling bumisita sa bansa bilang mga turista.
Inaasahan ding pag-uusapan ng mga lider ang mga isyu sa pagtaas ng presyo ng langis at pagkain, economic uncertainties, security concerns, agriculture, trabaho at nagbabantang El Niño.
Gayunman, inamin ng Pangulo na maaaring magkaroon ng pansamantalang abala dahil sa security measures at paghahanda sa summit. Kaya humingi siya ng pasensya at kooperasyon mula sa publiko.
Layunin din ng Pilipinas, bilang ASEAN chair ngayong 2026, na palakasin ang regional cooperation at magkaroon ng konkretong kasunduan para sa mga problemang kinakaharap ng mga bansa sa Southeast Asia.