Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Sto. Tomas LGU at SM foundation, nagtulungan sa pagkumpleto ng bagong health center sa Batangas

Maaari nang makinabang sa mas maraming serbisyong medikal ang mga residente ng Santo Tomas, Batangas matapos buksan ang City Health Center II – Aksyon Bilis Wellness Hub sa Barangay Sta. Clara nitong November 12, 2026.

Dating natengga ang gusali na orihinal na itinayo bilang community health center dahil hindi natapos ang konstruksyon nito, habang patuloy na tumataas ang pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan sa lugar at mga karatig-barangay.

Sa tulong ng SM Foundation, SM City Sto. Tomas, at lokal na pamahalaan, natapos at inayos ang dalawang palapag na pasilidad. Ginawang Department of Health o DOH-compliant primary care facility ang buong ground floor.

Kabilang sa mga serbisyong makukuha rito ang outpatient consultation, minor surgery, emergency treatment, pharmacy, diagnostic laboratory, at dental care. Mayroon ding digital medical records system para sa mas maayos na paghawak ng impormasyon ng mga pasyente.

Bahagi rin ng pasilidad ang Maternal and Child Care Center na may kakayahang magbigay ng Basic Emergency Obstetric and Newborn Care o BEmONC. Dito maaaring tumanggap ng prenatal, panganganak, postnatal, at breastfeeding services ang mga ina.

May delivery room, labor at recovery suites, prenatal consultation area, at lactation room din ang naturang pasilidad.

Tiniyak din ang accessibility para sa persons with disabilities, kasama ang PWD-compliant restrooms, gender-neutral facilities, at iba pang safety features. May rainwater harvesting system at handwashing stations din ang gusali.

Ayon sa SM Foundation, ang Aksyon Bilis Wellness Hub na ang ika-234 nilang health and wellness center sa buong bansa.

Layunin ng proyekto na mailapit ang abot-kaya at maaasahang serbisyong medikal sa mga residente, alinsunod sa Universal Health Care Law, BEmONC standards, at PhilHealth Konsulta Package. #BCBrandLab