Nanawagan ng hustisya ang pamilya at mga kaibigan ng 22-anyos na si Charles Usi, na nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa national road ng Barangay Banay-Banay 2nd, San Jose, Batangas, noong gabi ng October 25, 2026.
Batay sa initial report ng San Jose Municipal Police Station, dakong alas-nuwebe ng gabi nang mangyari ang pamamaril. Ayon sa imbestigasyon, sakay ang biktima ng Yamaha Aerox na may plakang 0238NI at bumibiyahe mula northbound patungong southbound, papunta sa San Jose Proper, nang pagbabarilin ng suspek o mga suspek na sakay ng isang motorsiklo na hindi pa natutukoy ang plaka.
Narekober sa crime scene ang dalawang fired cartridge ng caliber .45 na baril, isang slug, mga bakas ng dugo, at ang motorsiklo ng biktima. Agad siyang isinugod sa Metro San Jose Medical Center para sa medical treatment.
Patuloy naman ang dragnet operation ng pulisya para matukoy at maaresto ang mga suspek. Sinusuri rin ang mga available CCTV footage para mabuo ang pangyayari at matukoy ang dinaanan ng sasakyan. Nagsasagawa rin ng follow-up investigation at humiling ng technical investigation sa crime scene mula sa Batangas Provincial Forensic Unit o BPFU.
Samantala, nagpahayag ng lungkot at pangamba ang BUSKtangas, isang komunidad ng mga street musician, sa pagkamatay ni Charles, na bagama’t hindi miyembro ng grupo ay kaibigan ng maraming busker.

Sa kanilang pahayag, sinabi nilang hindi lamang lungkot kundi takot din ang nararamdaman ng mga musikero dahil sa posibilidad na malagay sa panganib ang kanilang buhay habang nagtatanghal sa mga pampublikong lugar.
Ayon sa grupo, patuloy silang tutugtog sa iba’t ibang bahagi ng Batangas, hindi dahil wala silang takot, kundi dahil naniniwala silang may puwang pa rin ang musika, pag-asa, at pagkakaisa sa kabila ng karahasan.
Binigyang-diin din ng BUSKtangas na hindi lamang ito usapin ng isang musikero, kundi ng karapatan ng lahat ng alagad ng sining na maipahayag ang kanilang talento at makauwi nang ligtas.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang hinihintay ang pagkakakilanlan at posibleng motibo ng mga suspek.