Natagpuan ang katawan ng isang hindi pa nakikilalang tao sa isang sapa sa Barangay Banga, Talisay, Batangas, tanghali nitong October 25, 2026.
Ayon sa Talisay Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen bandang 12:45 PM, na nag-ulat tungkol sa isang bangkay sa sapa sa kahabaan ng Talisay-Tagaytay Road.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis para beripikahin ang report. Pagdating doon, nakita ang katawan na nakasiksik sa pagitan ng mga bato at nasa advanced state of decomposition o naaagnas na, na may nakikitang mga uod.
Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa technical investigation at maayos na pagproseso ng crime scene.
Patuloy naman ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng namatay at malaman ang mga pangyayari sa likod ng insidente.