Opens in a new tab
Skip to content
National

Ombudsman, Justice Sector council nagkaisa laban sa korapsyon

Nakipagkasundo ang Office of the Ombudsman sa Justice Sector Coordinating Council o JSCC para mapabilis ang paghawak ng mga kasong may kaugnayan sa korapsyon at mapalakas ang koordinasyon ng mga ahensiya ng hustisya.

Nilagdaan ni Ombudsman Jesus Crispin C. Remulla ang Memorandum of Understanding o MOU sa isang seremonya sa Supreme Court. Kabilang sa JSCC ang Supreme Court, Department of Justice o DOJ, at Department of the Interior and Local Government o DILG.

Sa ilalim ng kasunduan, pagtutulungan ng mga institusyon na matukoy at maresolba ang mga pagkaantala sa mga kasong korapsyon, mapahusay ang ligtas na pagpapalitan ng impormasyon, at mapalakas ang paggamit ng digital systems.

Kasama rin sa mga planong programa ang pag-iimbestiga sa financial crimes, pagbawi ng mga ari-ariang may kaugnayan sa krimen, cyber-enabled corruption, at digital forensics.

Ayon kay Remulla, hindi dapat hintaying mawala ang pondo ng bayan o masira ang tiwala ng publiko bago kumilos ang pamahalaan. Binigyang-diin din niya na dapat magkaroon ng malinaw na programa, responsibilidad, takdang panahon, at nasusukat na resulta ang kanilang kasunduan.

Gayunman, tiniyak ng Ombudsman na mananatiling independent ang kanilang tanggapan sa pagtupad sa mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.

Umaasa ang mga katuwang na institusyon na maisasalin ang kasunduan sa konkretong hakbang para mapalakas ang pananagutan at maihatid ang hustisya sa mga Pilipino.