Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

2 hindi pa nakikilalang bangkay, natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Talisay, Batangas

crime scene do not cross signage

Patuloy na iniimbestigahan ng Talisay Municipal Police Station ang pagkakatagpo sa dalawang hindi pa nakikilalang bangkay sa magkahiwalay na lugar sa Talisay, Batangas, noong Oktubre 25 at 26, 2026.

Pinakahuli rito ang bangkay ng isang lalaki na natagpuan bandang alas-4:10 ng hapon noong Oktubre 26 sa Sampaloc-Leynes-Tagaytay Road, Barangay Leynes. Naiulat ito sa pulisya bandang alas-4:30 ng hapon matapos ipagbigay-alam ng isang concerned citizen.

Ayon sa paunang ulat, ang bangkay ay nasa madamong bahagi, humigit-kumulang 15 metro sa ibaba ng isang bangin. Nakagapos ang mga kamay at paa nito gamit ang cable ties, at nakatakip ang mga mata. Wala itong suot na damit pang-itaas at nakasuot lamang ng plain black shorts. Tinatayang nasa 5 feet 5 inches hanggang 5 feet 7 inches ang taas ng biktima, medium ang pangangatawan, at may dental braces.

Nauna namang natagpuan noong Oktubre 25 ang bangkay ng isang babae sa Barangay Banga. Tinatayang nasa 5 feet 2 inches hanggang 5 feet 4 inches ang taas nito at medium ang pangangatawan. Suot nito ang blue and black T-shirt na may nakasulat na “ZEWSYFG,” blue shorts na may feather design, at pink underwear na may floral design.

Isa sa mga sinusuring anggulo ng pulisya ang posibilidad na sa ibang lugar pinatay ang mga biktima at itinapon lamang ang kanilang mga bangkay sa Talisay.

Sa pangunguna ni PMAJ Ernesto R. Chavez, Officer-in-Charge ng Talisay MPS, pinaigting ang mobile patrol at police visibility, lalo na sa mga liblib at madidilim na bahagi ng kalsada. Isinasagawa rin ang backtracking, pakikipag-ugnayan sa ibang police stations, at pagsusuri sa mga ulat ng nawawalang indibidwal.

Hiniling ng pulisya sa sinumang may nawawalang kamag-anak o impormasyong makatutulong sa pagkilala sa dalawang biktima na makipag-ugnayan sa Talisay MPS sa numerong 0917-353-4074.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at ang mga pangyayaring nagdala sa kanila sa mga lugar kung saan sila natagpuan.