Isang lalaki ang nasawi matapos masaksak sa harap ng Kadiwa Market sa Barangay Burol 1, Dasmariñas City, Cavite alas-4:30 ng madaling-araw nitong December 7, 2025.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-2:00 ng umaga, galing sa inuman ang biktima kasama ang kanyang mga bayaw. Umuwi ang biktima kasama ang isa sa mga ito, ngunit pagdating sa lugar ng insidente ay sinubaybayan na pala sila ng suspek. Bigla umanong humugot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa dibdib nang walang malinaw na dahilan.
Mabilis na tumakas ang suspek patungong Barangay Burol 1 habang isinugod naman ng saksi ang biktima sa Pagamutan ng Dasmariñas. Bagama’t agad na nilapatan ng lunas, idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Nang matanggap ang impormasyon, agad na nagtungo ang mga pulis sa ospital para kapanayamin ang saksi at nagsagawa ng hot pursuit operation.
Bandang 1:50 ng hapon, personal na isinuko ng saksi at arresting officers ang suspek sa Dasmariñas Component City Police Station.
Nakilala ang biktima na si Ruel, 36 anyos. Ang suspek na si Reniel, 26 anyos, ay nasa kustodiya na ng pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso gayundin ang motibo sa krimen. | BChannel news