Patay ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki matapos umano’y malunod sa bahagi ng Maragondon River sa Sitio Ligas, Brgy. Sapang 1, Ternate, Cavite.
Ayon sa Ternate Police Station, nadiskubre ang insidente bandang alas-6 ng gabi noong March 16, habang nai-report lamang ito bandang ala-1:25 ng madaling araw kinabukasan.
Base sa salaysay ng ina ng bata, bandang alas-5 ng hapon nang mapansin niyang nawawala ang kanyang anak. Agad niya itong hinanap sa ilog ngunit hindi niya agad nakita, kaya’t naghanap din siya sa kanilang mga kapitbahay.
Pagsapit ng alas-6 ng gabi, muling bumalik ang ina sa ilog kung saan niya natagpuan ang kanyang anak na palutang-lutang na sa tubig. Agad niya itong sinagip at dinala sa kalapit na bahay bago isinugod sa Cavite Municipal Hospital sa Maragondon.
Gayunman, bandang alas-6:45 ng gabi ay idineklarang dead on arrival ang bata ng attending physician.
Kinilala ang biktima sa pangalang Jhyroz, dalawang taong gulang at residente ng nasabing lugar.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente. | BChannel NEWS