Arestado ang walong drug suspek matapos makumpiskahan ng umano’y shabu na nagkakahalagang Php 159,600 sa magkahiwalay na buy bust operation sa Brgy. Dau, Mabalacat City, Pampanga nitong Huwebes ng gabi, April 13.
Naganap ang unang operasyon ng mga awtoridad bandang 10:32 ng gabi kung saan naaresto ang apat na drug suspek kabilang rito ang operator na si Marlon Pascual, alyas Jesus, 42 anyos.
Nakumpiska ang nasa Php 69,900 halaga ng umano’y shabu at iba’t ibang pang uri ng drug paraphernalia.
Samantala, bandang 11:20 ng gabi nang isinagawa ang pangalawang buy bust operation na nagresulta sa pagkakahuli sa apat pang suspek na nakuhanan ng 13 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang hindi bababa sa P89,700 at iba pang mga items.
Kasalukuyang mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | I.A. Ramos | BChannel News