Pinatawag ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang pamunuan ng BATELEC II upang ipaliwanag sa publiko ang kasalukuyang kalagayan ng kooperatiba at ang kanilang mga plano upang mapabuti ang serbisyo ng kuryente sa lalawigan.
Ito ay matapos ang panawagan ni Batangas Board Member Alfredo Corona para sa agarang aksyon kaugnay ng madalas na brownout at pabagu-bagong suplay ng kuryente sa mga lugar na sakop ng BATELEC II.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Corona na nagdudulot na ng malaking pagkalugi sa mga negosyo at matinding abala sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Batangueño ang patuloy na problema sa kuryente.
Pinangunahan rin ito nina BM Melvin Vidal, Chairman on Committee of Transportation, Communication and Public Utility at Vice Governor Dodo Mandanas ang naturang usapin kung saan isinagawa sa Capitol ng Batangas.
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang Batangas Forum for Good Governance and Development Association sa panukalang joint venture sa pagitan ng BATELEC II at MERALCO na inaasahang makatutulong upang mapabuti ang serbisyo ng kuryente sa lalawigan.
Sa panig ng BATELEC II, iginiit ng kooperatiba na hindi nila nais ang matagal na pagkawala ng suplay ng kuryente sa kanilang mga nasasakupan. Ayon pa kay Engr. Mary Ann Dimaano, Asst. General Manager ng Batelec II, patuloy silang nagsasagawa ng iba’t ibang proyekto upang mapalakas ang kanilang sistema ng distribusyon ng kuryente.
Kabilang sa mga proyektong ito ang pagtatayo at pagpapalakas ng mga substation sa Lipa City, Tanauan City at iba pang bahagi ng Batangas upang matugunan ang lumalaking demand sa kuryente.
Ayon pa sa pamunuan ng BATELEC II, patuloy ang kanilang pagsisikap na mapabuti ang serbisyo sa kanilang mga consumer-members sa pamamagitan ng mga infrastructure project at system improvements.
Sinabi rin ng BATELEC II na bukas sila sa mga mungkahi at patuloy nilang pinag-aaralan ang panukalang joint venture sa MERALCO upang matiyak na mapapangalagaan ang kapakanan ng kanilang consumer-members.
Kaugnay naman ng panukalang joint venture, ipinaliwanag ni Atty. Arnel Casanova ng MERALCO na layunin ng proposal na mabigyan ng mas malinaw na benepisyo ang mga consumer-members ng kooperatiba.
Sa ilalim ng panukala ng MERALCO, magiging stockholders umano ang mga consumer-members kung saan magkakaroon sila ng stock certificate bilang patunay ng kanilang pagmamay-ari.
Dagdag pa ni Casanova, kapag naging maayos ang serbisyo ng kuryente at lumakas ang operasyon ng BATELEC II, tataas din ang kita ng korporasyon na maaaring magresulta sa pagbibigay ng dividend sa mga consumer-members.

Sa ganitong paraan, ayon sa MERALCO, hindi lamang gaganda ang serbisyo ng kuryente kundi magkakaroon pa ng direktang pakinabang ang mga consumer dahil sila na mismo ang magiging tunay na may-ari ng korporasyon. | JayMP, BChannel news