Patay ang 32-anyos na construction worker matapos pagbabarilin ng security card sa bahagi ng South Luzon Expressway noong Sabado dakong ala-1 ng hapon sa Barangay Batino, Calamba City, Laguna.
Kinilala ng Calamba City police ang biktima na si Ronald Viñas,habang ang suspek ay si alyas na “Demetrio” OIC ng security guard sa Calamba Premiere International Park (CPIP), at ang isa pa nitong kasamahan na si alyas Jun.
Ayon sa pulisya, nagpapahinga lang umano ang biktima kasama ang iba nitong katrabaho malapit sa pader ng industrial park nang magkaroon ng alitan sa mga suspek para paalisin ang biktima sa kanilang pwesto.
Nakuhanan pa ng biktima ang pangyayari gamit ang cellphone nito, maya-maya pa lang ay umalis ang suspek at pagbalik nito, dala na ang kanyang baril at agad na ipinutok sa biktima na agaran nitong ikinamatay.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas si Demetrio dala ang armas na ginamit sa krimen, habang naaresto ng pulisya si Jun.
Samantala, nitong Linggo sumuko na rin si Demetrio sa tanggapan ng CIDG sa Cabuyao City.
Dahil dito mahaharap sa kaukulang kaso ang mga naturang suspek.