Umabot sa 141 critically endangered Hawksbill Sea Turtle hatchlings ang pinakawalan sa karagatan ng Weathered Rock Beach, Punta Fuego, Barangay Balaytigue, Nasugbu, Batangas noong November 17, 2026.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources o DENR, napisa ang mga itlog sa nesting site na mino-monitor ng CENRO Calaca. Isinagawa ang pagpapakawala pagsapit ng sunset upang mabawasan ang panganib mula sa mga predator at mapataas ang kanilang tsansang mabuhay.
Ang Hawksbill Sea Turtle ay kabilang sa critically endangered species dahil sa mataas na panganib ng extinction sa wild.
Nagtutulungan naman ang DENR-CENRO Calaca at Punta Fuego Village Foundation, Inc. sa pangangalaga ng coastal at marine resources sa lugar.
Bahagi ang Nasugbu ng 1.14-million-hectare Verde Island Passage, isang marine biodiversity corridor na sumasaklaw sa Batangas, Marinduque, Romblon, Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.
Paalala ng DENR, mahalaga ang patuloy na pagprotekta sa mga pawikan at kanilang natural habitat upang mapangalagaan ang yamang-dagat para sa susunod na henerasyon.