fbpx

Lalaki Patay sa Pamamaril sa Taysan, Batangas

Isang 26-anyos na lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Pag-asa, Taysan, Batangas bandang alas-7:30 ng gabi noong Enero 11, 2025.

Ayon sa ulat ng Taysan Municipal Police Station (MPS), isang concerned citizen ang tumawag sa kanilang himpilan bandang alas-8:30 ng gabi upang iulat ang insidente. Agad namang nagtungo sa lugar ang mga pulis upang beripikahin ang ulat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang biktimang si Alyas Mark Piol, 26 taong gulang, residente ng Brgy. Bilogo, Taysan, Batangas, ay sakay ng kanyang motorsiklo at patungong silangan mula sa Brgy. Panghayaan, Ibaan, Batangas. Pagsapit niya sa Brgy. Pag-asa, siya ay pinagbabaril ng isang hindi pa nakikilalang lalaki, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang isang basyo ng bala ng kalibre .9mm na baril. Samantala, tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon matapos ang krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang posibleng motibo sa likod ng pamamaril. | BChannel NEWS

About Author