Pormal nang binuksan ngayong Marso 8, ang Padre Garcia Dialysis Center na matatagpuan sa Padre Garcia LGU Compound, Brgy. Castillo, Padre Garcia, Batangas.

Ang naturang dialysis center ay private operated ng Holyfamily Healthcare and Medical Center Inc. (HHMCI) at pag-aari ng Munisipyo ng Padre Garcia sa pangunguna ni Mayor Celsa Rivera at Vice Mayor Miko Rivera. Dumalo rin sa seremonya ng pagbubukas si Mike Rivera, na tumatakbo bilang Gobernador ng Batangas, at naging bahagi ng ribbon-cutting ceremony.

Ayon kay Nilo Atienza, presidente ng HHMCI, ang dialysis center ay bukas sa lahat ng pasyenteng may Chronic Kidney Disease (CKD) hindi lamang sa Padre Garcia kundi pati na rin sa mga karatig-bayan gaya ng Ibaan, Lipa City, San Juan, at Rosario.

May kabuuang 21 dialysis stations ang sentro, na kayang magsagawa ng hanggang 60 treatment kada araw. Bukod dito, mayroong High-Flux Dialysis (HDF) machine para sa mga pasyenteng nangangailangan ng espesyal na pangangalaga. Ang dialysis center ay bukas mula Lunes hanggang Sabado.

Sinisiguro rin ng pamunuan na covered ng PhilHealth ang mga gastusin ng pasyente, maliban na lamang sa mga espesyal na gamot at ibang karagdagang proseso. Handang tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga pangangailangan ng mga pasyente upang masiguro ang tuluy-tuloy na gamutan.

Ayon kay Vice Mayor Miko Rivera, ang kikitain umano na 20% ng bayan mula sa operasyon ng dialysis center ay ibabalik sa mga nagpapadialysis bilang bahagi ng public-private-partnership na programa ng gobyerno.

Para sa iba pang detalye, maaaring bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Padre Garcia Dialysis Center para sa mga katanungan, pagpapalista, o pagkuha ng appointment. | JMPamintuan | BChannel NEWS