Isang babae ang patay habang dalawa pa ang sugatan sa insidente ng pananaksak na naganap bandang alas-9:00 ng umaga nitong Abril 9, 2025 sa Brgy. Baguilawa, Bauan, Batangas.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bauan Municipal Police Station (MPS), ang mga biktimang sina alyas “Mezielle” at “Mark” ay naglalakad sa pathway ng nasabing barangay nang biglang lumabas ang suspek na si alyas “Dionisio” mula sa kanyang bahay.
Ayon sa mga awtoridad, ang suspek ay pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak at may dalang kutsilyo.
Agad nitong sinaksak sa dibdib si “Mezielle”. Nang tangkaing awatin ni Mark ang suspek, siya rin ay nasaksak sa tiyan.
Agad na isinugod ang dalawang biktima sa Bauan Doctors Hospital. Si Mezielle ay idineklara ng doktor na dead on arrival, habang si Mark ay kasalukuyang ginagamot sa parehong ospital.
Samantala, nagtamo rin ng sugat sa kaliwang bahagi ng tiyan ang suspek at dinala sa Bauan General Hospital para sa medikal na atensyon. Siya ngayon ay nasa kustodiya ng mga tauhan ng Bauan MPS habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Ayon sa pulisya, ang motibo sa krimen ay matagal nang alitan sa pagitan ng mga sangkot. | BChannel NEWS