Isang pambihirang pangyayari ang nasaksihan sa Brgy. San Isidro, Taysan, Batangas matapos ipanganak ang isang baka na may dalawang ulo ngayong Miyerkules, July 9.
Sa eksklusibong panayam ng BChannel NEWS kay Rocelle Ceneta — ang nag-upload ng video — ibinahagi niya ang kanilang gulat at tuwa nang makita ang bagong silang na sanggol na baka na dalawa ang ulo. Ani Ceneta, buhay pa raw ito ng mga oras na ‘yon, pero mahina kumpara sa karaniwang bagong silang na bisiro.
Ang panganganak ay pinangasiwaan ni Doc Tito Ortega, isang livestock technician mula mismo sa Agriculture Taysan.
Ayon sa mga eksperto, ang kondisyon ng nasabing baka ay tinatawag na “polycephaly” — isang bihirang genetic condition kung saan ang kambal na embryo ay hindi ganap na naghihiwalay, kaya nagkakaroon ng magkakabit na ulo, dalawang mata sa bawat gilid, dalawang bibig, at dalawang tainga.
Bagama’t may naitalang kahalintulad na kaso sa Pilipinas noon, karamihan sa mga ito ay hindi rin nagtatagal at agad na namamatay.
May ilan namang netizens na naniniwalang swerte raw ang hatid ng nasabing baka.
Patuloy pa rin ang obserbasyon sa kalagayan ng naturang hayop. | JMPamintuan, BChannel NEWS