Isang Davao-based bone expert ang nagsalita ukol sa kontrobersyal na buto na natagpuan sa Taal Lake sa Laurel, Batangas, na posibleng may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero.
Sa isang social media post nitong July 12, ibinahagi ni Darrell Blatchley — isang environmentalist at bone expert na founder ng D’ Bone Collector Museum sa Davao — ang kanyang opinyon ukol sa mga butong nakita sa Taal Lake.
Ayon sa kanya, base sa mga litrato, ang mga buto ay mukhang galing sa mga hayop gaya ng baka o kalabaw.
Pero nilinaw rin niya na hindi pa rin isinasantabi ang posibilidad na may human remains din sa lugar, lalo’t maaaring ginamit ito bilang tapunan ng bangkay sa loob ng mahabang panahon.
Ang bone recovery operation ay kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero, at kasalukuyang pinangungunahan ng Department of Justice, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police.
Matatandaang lumutang sa imbestigasyon ang pahayag ni alyas “Totoy” na nasa higit 100 sabungero umano ang dinukot, pinaslang, at itinapon sa Taal Lake.
Samantala, patuloy pa ang imbestigasyon at hindi pa tiyak kung mga buto ng tao ang laman ng sako dahil isinasailalim pa umano ito sa forensic examination ng regional Scene of the Crime Operatives (SOCO). | BChannel NEWS