
Buong puso at ipinagmamalaki ng Batangas sa buong mundo ang 16-anyos na si Ma. Failene Malijan mula Sto. Tomas, Batangas matapos siyang mag-uwi ng Gold Medal at tanghaling Overall 1st Placer sa Music Category (Vocal Solo) ng Asia All Stars Festival 2025 sa Anyang Arts Center, South Korea nitong July 10, 2025.
Si Failene ay isang differently abled na dalagita mula pagkasilang, matapos maapektuhan ang kanyang paningin dahil sa kakulangan ng oxygen bilang isang 6-month premature baby.

Pero hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan sa pag-abot ng mga pangarap.
Nakilala na rin siya sa mga palabas sa telebisyon tulad ng The Voice Teens Season 3 at Center Stage. Maliban sa pagkanta, isa rin siyang atleta kung saan nag-champion pa sa running at shot put sa Special Education.
Sa isang panayam, inilarawan ng kanyang lola si Failene bilang isang mabait at maalaga. Aniya, kahit may kapansanan, handa pa rin tumulong sa bahay at naglilingkod sa kanilang pamilya.

Inspirasyon si Failene sa maraming kabataan—patunay na hindi hadlang ang kapansanan sa tagumpay.
Ayon sa kanyang lola, “Magpakabait ka lang, anak, at lagi mong tandaan na andito kami para suportahan ka.”
At sa kanyang tinahak na tagumpay, malinaw—ito pa lang ang simula ng mas malalaking pangarap ni Failene para sa sarili, sa kanyang pamilya, at sa buong bayan.
Si Failene ay dati na rin lumalabas sa mga programa ng Balisong Channel gaya ng Balisong Singing Superstar noong 2020 at sa “Buhay at Patnubay” noong 2024. | BChannel NEWS/Z.Matibag