Apat na street-level drug personalities o drug pusher/user ang nahuli sa Calaca, Batangas sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng Calaca City Police Station sa loob lamang ng dalawang araw.
Unang operasyon, pasado alas 5:00 ng hapon, Setyembre 15 sa Brgy. Pantay, inaresto si Jenalyn. Nakuha sa kanya ang shabu na may timbang na .22 gram na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit isanlibong piso, kasama ang buy-bust money.
Dakong alas-10:30 ng gabi sa Brgy. Bagong Tubig, nadakip naman sina Lauro Jr. at Melody matapos makumpiskahan ng .30 gram na shabu na nagkakahalaga ng mahigit dalawang libong piso, pati marked money.
Samantala, madaling araw ng Setyembre 16 sa Brgy. Poblacion 4, arestado rin si Aranea matapos makuhanan ng .12 gram na shabu na aabot sa halagang walong daang piso.
Lahat ng operasyon ay isinagawa sa presensya ng mga mandatory witnesses at naitala gamit ang alternative recording devices.
Ang mga suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.