Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong umento sa sweldo ng mga empleyado ng government-owned and controlled corporations o GOCCs.
Sa kanyang talumpati sa GOCCs’ Day sa Malacañang, inanunsyo ng Pangulo na nilagdaan na niya ang Compensation and Position Classification System II, na magbibigay ng salary adjustments at dagdag benepisyo gaya ng tiered medical allowance depende sa kakayahan ng bawat korporasyon.
Para naman sa mga nakapagpatupad na ng CPCS I, magiging retroactive mula Enero 1, 2025 ang umento sa sandaling makuha nila ang authority mula sa Governance Commission for GOCCs.
Kaugnay nito, ipinagmalaki ng Palasyo ang halos 117 bilyong pisong dibidendo na naiambag ng 53 GOCCs ngayong taon, na gagamitin para sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura, at social protection programs ng pamahalaan.