Nakipagpulong si Secretary of National Defense Gilberto Teodoro Jr., kay Lord Vernon Coaker, Minister of State for Defence ng United Kingdom, sa Camp General Emilio Aguinaldo nitong Martes.
Dinala ni Lord Coaker ang liham mula sa UK Secretary of State for Defence na nagpapahayag ng interes sa pagtatag ng Status of Visiting Forces Agreement o SOVFA sa Pilipinas.
Ayon kay Secretary Teodoro, nagpapakita ito ng lumalaking pagtutulungan ng Europe at Indo-Pacific para sa rules-based international order.
Nagkasundo ang dalawang panig na simulan ang pormal na negosasyon para sa SOVFA, na magpapalakas sa kolaborasyon at interoperability ng Armed Forces ng dalawang bansa.
Tinalakay din nila ang seguridad sa rehiyon, edukasyong militar, at kooperasyon sa industriya ng depensa, kasabay ng pagbisita ng HMS Richmond sa Maynila bilang bahagi ng UK Carrier Strike Group deployment sa Indo-Pacific.