Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, lumutang ang panukalang ibaba ang kasalukuyang 12% Value Added Tax o VAT sa bansa.
Ayon kay Vice Chairman Leandro Leviste, kung ibababa sa 10% o hanggang 9% ang VAT, maaaring magkaroon ng dagdag na pitong libong piso na disposable income ang bawat pamilyang Pilipino kada taon.
Suportado ito ni Committee Chairman Miro Quimbo na nagsabing handa silang bawasan pa ang budget ng Department of Public Works and Highways ng hanggang tatlong daang bilyong piso para pondohan ang pagbaba ng VAT. Dagdag pa ni Quimbo, maaari ring bawiin ang kita sa Bureau of Customs, habang inaaral pa ng Department of Finance ang iba pang posibleng solusyon.
Iginiit din ni Leviste na bukod sa pagbawas ng gastusin ng gobyerno, maaari ring isaalang-alang ang pagbubuwis sa pinakamayayamang pamilyang Pilipino upang matustusan ang pagbaba ng buwis.
Inaasahang magiging prayoridad ito sa 20th Congress at tatalakayin rin sa LEDAC sa susunod na linggo.