Sa pinakahuling ulat ng PAGASA ngayong alas-11 ng umaga, Setyembre 22, 2025, muling nagbabala ang ahensya laban sa Super Typhoon Nando na may international name na Ragasa.
Ayon sa datos mula sa Aparri Doppler Weather Radar, ang mata ng bagyo ay huling namataan bandang 110 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang napakalakas na hanging umaabot sa 215 kilometro kada oras malapit sa gitna, at bugso na hanggang 265 kilometro kada oras. Patuloy itong kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Kasabay nito, ipinatupad na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa Babuyan Islands kung saan nakikita ang lubhang banta sa buhay at ari-arian. Nasa Signal No. 4 naman ang ilang bayan sa hilagang Cagayan, bahagi ng Ilocos Norte, at timog na bahagi ng Batanes. Habang nasa Signal No. 3 ang gitnang Cagayan, Apayao, at ilang bayan sa Ilocos Norte.
Samantala, umiiral ang Signal No. 2 sa malaking bahagi ng Isabela, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Hilagang Benguet. Kasama rin dito ang ilang bayan sa Ilocos Sur at La Union. Nasa Signal No. 1 naman ang mga lalawigan ng Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, Pangasinan at hilagang Quezon kabilang ang Polillo Islands.
Nagbabala rin ang PAGASA na asahan ang malalakas na pag-ulan na dulot ng Nando at habagat, kaya posibleng magdulot ito ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar. | BChannel NEWS