Sa isang pahayag, inihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ang September 21 na kaguluhan sa Mendiola ay hindi isang lehitimong protesta kundi isang bayad at organisadong atake laban sa gobyerno.
Ayon kay Remulla, mga bata na edad 11 pataas mula sa Quiapo ang nirecruit at binayaran ng tig-₱3,000 para lumahok. May mga video rin na nagpapakita ng pagpapakita ng pera sa social media.
Sinabi ng kalihim na simpleng utos ng grupo: abutin ang Malacañang kung kaya at sunugin ito. “Hindi sila cause-oriented; money-oriented lang,” dagdag pa niya. Sa ngayon, 217 katao ang iniimbestigahan, kabilang ang 95 menor de edad. Tinitingnan ng DILG ang testimonya, videos, at litrato upang tukuyin ang mga nasa likod ng kaguluhan.
Walang kasalukuyang kaso na isinampa, ngunit posibleng singilin ang mga suspek sa arson, destruction of property, inciting to sedition, at sedition. Ilang pulis ang nasaktan matapos atakihin gamit ang tear gas, paputok, at tubig mula sa poso negro. Ayon kay Remulla, smoke grenades lamang ang ginamit ng pulis para sa dispersal.
Nagbabala ang DILG sa publiko na may posibleng pagtatangkang pasukin ang mga lehitimong kilos-protesta sa hinaharap para magpalakas ng suporta habang sinisira ang mga government facilities. Pinagtibay ni Remulla ang pangako ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa due process at rule of law, na mahalaga sa pagpapanatili ng katatagan ng bansa.
Patuloy ang imbestigasyon ng DILG sa pakikipag-ugnayan sa pulisya at Department of Justice.