Isang batang apat na taong gulang ang patay sa kamay mismo ng sarili niyang ina sa Barangay Salawag, Dasmariñas City, Cavite nitong September 23.
Ayon sa mga unang imbestigasyon ng Dasmariñas Component City Police Station at testimonya ng mga saksi na sina Rochelle, 20 anyos, at Junmar, 25 anyos, ang biktimang si Crystal ay kasama sa isang kwarto ng suspek na si Beverly, 23 anyos.
Nakita umano ng mga saksi ang ina na paulit-ulit na hinahampas ang bata gamit ang matigas na kahoy. Ang braso at katawan ng bata ay tadtad ng pasa at may mga malalalim na sugat sa likod, tila tinusok ng matalim na bagay. Kahit nawalan na ng malay ang biktima, tuloy pa rin umano sa pananakit ang suspek.
Humingi pa ng tulong ang suspek sa mga saksi para dalhin ang bata sa ospital, subalit pagdating doon, idineklara ang batang na patay na bandang alas-8:06 ng gabi.
Napag-alaman na araw-araw na binubugbog ng suspek ang bata at kinalbo pa nito.
Agad na naaresto ang suspek at kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Dasmariñas Component City Police Station para sa kaukulang disposisyon na mahaharap sa kasong parricide. | BChannel news