Hindi bababa sa 14 ang patay at mahigit 120 pa ang nawawala matapos gumuho ang isang dekada nang lake barrier sa Hualien County, Taiwan dahil sa Super Typhoon Ragasa na dating tinawag na Nando nitong Martes, Setyembre 23.
Ayon sa mga nakaligtas, rumagasa ang putik at tubig na parang lawa, winasak ang mga bahay at isang tulay sa Kuang Fu Township.
Ayon sa Taiwan Fire Department, naapektuhan ang bayan ng Guangfu nang bumigay ang lawa dahil sa mga pagguho ng lupa at bumuhos ang napakalaking tubig noong Martes ng hapon.
Libo-libong residente ang lumikas at pansamantalang nanirahan sa mas matataas na lugar o sa mga kamag-anak. Tinatayang nasa 60 milyong tonelada ng tubig ang bumulwak mula sa lawa, dahilan para malubog ang buong baryo ng Dama.
Patuloy ang search and rescue operations, ngunit marami pa ring stranded dahil sa putik, bato at baha. Simula Lunes, tinamaan na ng matinding ulan at hangin ang silangang bahagi ng Taiwan, habang patuloy na tinutumbok ng bagyo ang timog bahagi ng China at Hong Kong.
Kinumpirma ng lokal na pamahalaan na 18 ang sugatan habang nagpapatuloy ang search and rescue operations. | BChannel news