Naghain ng panukalang joint venture ang Meralco sa Batangas Electric Cooperative o BATELEC upang palakasin ang distribusyon ng kuryente sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Atty. Arnel Paciano Casanova, Chief External and Government Affairs Officer ng Meralco nitong Huwebes, October 2, layunin ng partnership na ito na mabawasan ang mataas na system loss, maiwasan ang madalas na brownout, at i-upgrade ang mga pasilidad gamit ang modern grid technologies. Kasama rin sa plano ang pagpapalawak ng infrastructure para matugunan ang tumataas na demand sa enerhiya.
Giit ni Casanova, hindi naman mawawala ang trabaho ng mga empleyado ng BATELEC sa oras na maisakatuparan ang joint venture. Sa halip, mas madaragdagan pa umano ang kanilang mga oportunidad at benepisyo.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang maaasahang serbisyo sa kuryente sa pag-unlad ng mga industriya, pag-akit ng mga mamumuhunan, at pagbubukas ng mas maraming trabaho sa Batangas.

Sa rehiyong CALABARZON, patuloy ang pag-angat ng ekonomiya. Mula ₱3.10 trillion noong 2023, umakyat ito sa ₱3.27 trillion noong 2024 — katumbas ng 5.6% growth rate. Pinakamalaki ang ambag ng Laguna na may 33% ng kabuuang GRDP ng rehiyon.
Ang CALABARZON ang tanging rehiyon sa bansa na itinuturing na pangunahing industrial zone, kung saan halos kalahati o 49% ng ekonomiya ay mula sa sektor ng industriya.
Sa ngayon, nangunguna ang Meralco bilang pangunahing power distributor sa bansa na may mahigit 8 milyong customer sa Metro Manila at karatig-probinsya. Sakop ng kanilang franchise ang 36 lungsod at 75 munisipalidad, kabilang na ang Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite, at ilang bahagi ng Laguna, Quezon, at Batangas.

Sa Batangas naman, may dalawang electric cooperatives — ang BATELEC I at BATELEC II.
Ang BATELEC I ay nagsusuplay sa kanlurang bahagi ng lalawigan gaya ng Calaca City, Nasugbu, Calatagan, Balayan, Lemery, Taal at iba pang bayan. Samantala, ang BATELEC II ay nagsisilbi sa silangan at gitnang bahagi ng Batangas tulad ng Lipa City, Tanauan City, Padre Garcia, Rosario at iba pang lugar.

May ilang lugar din sa Batangas na direktang sakop ng Meralco, kabilang ang Santo Tomas, Batangas City, San Pascual, at First Philippine Industrial Park sa Tanauan.
Sa datos, Meralco-Batangas ang may pinakamataas na energy sales na 2,034 GWh at peak demand na 310 megawatts. Sa kabilang banda, mas mababa naman ang performance ng BATELEC I at II dahil sa mga teknikal na isyu tulad ng line losses at madalas na interruptions.
Ang franchise ng Meralco ay valid hanggang 2053, samantalang hanggang 2030 at 2028 naman ang sa BATELEC II at I.
Mula 1992 hanggang 2024, lumago ng 13.6% taon-taon ang energy sales ng Meralco sa Batangas kung saan patunay na ang matatag na power utility ay susi sa pagpasok ng mga negosyo at mamumuhunan.
Kabilang sa mga hakbang para mapabuti pa ang serbisyo ay ang interconnection sa Meralco facilities, network upgrades, dagdag delivery points, at full coverage ng lahat ng LGUs.
Sa ngayon, hinihintay pa ng Meralco ang opisyal na tugon ng BATELEC hinggil sa naturang panukala, lalo na’t may iba pang interesadong partido gaya ng Primelectric na nagpapakita rin ng interes sa kooperatiba. | JPamintuan, BChannel News