Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek nitong alas-1:10 ng hapon, Oktubre 12, 2025, sa Sitio Centro, Barangay San Andres sa Candelaria, Quezon.
Ayon sa imbestigasyon ng Candelaria Municipal Police Station, nakaupo umano sa waiting shed ang biktimang kinilalang si Jeffrey, nang biglang dumating ang suspek at paulit-ulit siyang binaril.
Tinamaan ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ulo na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Quezon Police Provincial Office sa tulong ng 1st Quezon Provincial Mobile Force Company.
Patuloy ding kinakausap ng mga pulis ang mga residente sa lugar para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
Pinroseso rin ng SOCO team ang crime scene habang sinisiyasat naman ng mga awtoridad ang mga posibleng CCTV footage na makakatulong sa imbestigasyon.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang dragnet operation para mahuli ang suspek sa pamamaril. | BChannel news