Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan pasado alas-5 ng umaga, Oktubre 12, 2025, sa Barangay San Rafael, sa bayan ng Rodriguez, Rizal.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, isang tricycle driver ang unang nakakita sa naturang bangkay at agad itong iniulat sa mga opisyal ng barangay, na siya namang nagbigay-alam sa mga awtoridad.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sierra 2 at mga duty investigator sa lugar upang beripikahin ang ulat. Natuklasan nilang ang biktima ay isang lalaki, tinatayang nasa edad 40 hanggang 45, nakasuot ng gray na t-shirt, light green na jacket, at itim na shorts.
Napag-alaman din na may ilang tattoo sa katawan ang biktima, kabilang ang isang malaking tattoo ng ahas sa kaliwang binti. Nakagapos ang kanyang mga kamay sa likod gamit ang duct tape, at binalot ng itim na plastic ang kanyang mukha.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Rodriguez Police at ang motibo sa pagpaslang. Nakipag-ugnayan na rin sila sa Rizal Forensic Group para sa tulong, habang kinokolekta rin ang mga CCTV footage sa lugar upang matukoy ang mga posibleng suspek.
Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang mga imbestigador sa mga karatig istasyon ng pulisya sakaling may naiulat na nawawalang tao na tumutugma sa deskripsyon ng biktima. | BChannel news